NAGHAHANDA ang lungsod ng Maynila ng hero’s welcome para kay Paris Olympics gold medalist Carlos Edriel Yulo.
Sinabi ni Mayor Honey Lacuna na bibigyan ng lungsod ng mainit na pagsalubong si Yulo, isang Outstanding Manilan awardee.
“The City of Manila is already preparing a hero’s welcome for Carlos Yulo because we are immensely proud of our Manileño from Leveriza, Malate,” pahayag niya sa isang statement.
Bibigyan din ng city government ang golden boy ng financial reward at iba pang pagkilala.
“The grandest welcome will greet him and all our Paris Olympians. When we meet him, we will present Carlos Yulo cash incentives, awards and symbols of the eternal gratitude of the proud Capital City of the Philippines,” ani Lacuna.
Tinalo ni Yulo ang pitong iba pang kalahok sa men’s artistic gymnastics floor exercise finals noong Sabado (PH time) upang makopo ang unang gold medal para sa Pilipinas sa Paris.
Noong nakaraang Mayo, pinagtibay ng city council ang City Council Resolution No. 388, na kumikilala kay Yulo at sa kanyang nakababatang kapatid na si Karl Eldrew, para sa kanilang tagumpay sa Artistic Gymnastics Asian Championships sa Tashkent, Uzbekistan.
Hanggang press time ay nagtatangka si Yulo para sa isa pang medalya sa men’s vault finals.
(PNA)