INIHANDA, PAGSASANAY PARA SA BAGONG ASSESSMENT TOOL NG CHILD DEVELOPMENT SERVICE

ni Riza R. Zuñiga

Tayabas, Que­zon – Nagsagawa ng dalawang araw na pagsasanay ang bubuo ng Training Team sa Lalawigan ng Quezon para sa Bagong Assessment Tool at Accreditation ng Child Development Service.

Ang pagsasanay ay pagkukusa ng Association of Local Social Welfare and Development Officers of the Philippines, Inc. (ALSWDOPI) Quezon Chapter at Pangulo sa lalawigan ng Quezon at MSWDO ng Calauag na si Jerwin Navarro.

“Ika-apat na ito na naging proyekto ng ALSWDOPI simula noong 2010,” ayon kay Navarro. Ang ALSWDOPI ay kamakailan lamang nagdiwang ng 25 taon bilang isang samahan ng mga lokal na Social Welfare and Development Officer.

“Prayoridad ang Early Childhood Care Development (ECCD) kung kaya’t ito ang panghahawakan ng mga magsasanay sa bagong assessment tool at accreditation,” sabi ni Navarro sa bubuo ng Training Team mula sa Lucena, Dolores, Macalelong at Calauag, Quezon.”

Ang bubuo ng Training Team mula sa lalawigan ng Quezon ay sina Jerwin Navarro, MSWDO ng Calauag; Nancy Ilagan, SWO IV ng Lucena City; Corinne Magadia, Child Development Worker ng Lucena City; Emelinda Quinsanos, SWO II ng Lucena City; Sunshine Rios, SWO I at Focal Person ng Macalelong; Michael Bongalus, AA I – MSWDO ng Calauag; at Juan Dominador Francis Barros, SWD Staff ng Calauag, Quezon.

Ito ay para matugunan ang pangangailangan ng mga Municipal Social Welfare and Development Officers (MSWDOs) at mga Child Development Workers (CDWs) sa magaganap na bagong Assessment Tool at Accreditation ng Child Development Service sa mga susunod na buwan.

Ang tatlong araw na Province-Wide na Pagsasanay para sa mga MSWDOs at CDWs ay para mapaghandaan ang mga kakailanganin para higit na maunawaan ang kaibahan ng bago sa lumang assessment tool na isasagawa ng Provincial Social Welfare and Development Officers (PSWDOs) sa lalawigan ng Quezon.

Tinatayang higit sa 400 ang dadalo sa Oktubre hanggang Nobyembre na magsasanay para maisakatuparan ang sama-samang pag-intindi at pagkatuto sa bagong assessment tool at paano isasagawa ang accreditation ng Child Development Service.

Kung kaya’t maigting ang panawagan ng PSWD Officer ng Lucena City na si Sonia Leyson na suportahan ng bawat bayan ang paglahok ng mga CDWs sa bawat barangay. Ang Training Team ay sinusuportahan din ni Norlie Labitigan, Asst. PSWD Officer ng Lucena City, na sa kasalukuyan ay ang Ingat-Yaman ng Quezon Chapter ng ALSWDOPI.