(Inihirit ng DOH) DAGDAG-BUWIS SA JUNK FOOD, SOFTDRINKS

ISINUSULONG ng Department of Health (DOH) ang karagdagang buwis sa junk food at sweetened beverages bilang solusyon kontra obesity o katabaan at upang mapataas ang revenue para sa Universal Healthcare Program.

Ayon kay DOH Officer-In-Charge, Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mababawasan din ang konsumo sa nasabing mga produkto kung papatawan ng dagdag-buwis gaya ng alcoholic drinks at tobacco products.

Batid naman, aniya, ng lahat ang epekto sa kalusugan ng labis na pagkonsumo ng junk food at sweetened beverages.

Ipinaliwanag ni Vergeire na marami nang mga pag-aaral na kapag naumpisahan ng bata ang mga ganitong uri ng pagkain, lumalaking obese ang mga ito at lantad sa iba’t ibang non-communicable diseases.

Wala namang inilatag na partikular na proposal ang DOH sa dagdag-buwis, pero inihayag ng opisyal ng kagawaran na ang additional revenue ay gagamitin upang pondohan ang Universal Healthcare Law.

Sa ilalim ng nasabing batas, awtomatikong naka-enroll ang lahat ng Filipino sa National Health Insurance Program. DWIZ 882