HUMIRIT ng karagdagang pondo ang Department of Labor and Employment (DOLE) para maipagpatuloy ang pamamahagi ng cash assistance sa overseas Filipino workers (OFWs) na naapektuhan ng pandemya.
Ito’y matapos na itigil ng DOLE noong January 14, 2022 ang pagtanggap ng mga bagong AKAP apllication para sa nasabing mga indibidwal na nawalan ng kabuhayan dahil sa COVID-19.
Ang AKAP o Abot-Kamay ang Pagtulong ay isang one-off financial assistance na ipinagkakaloob sa OFWs na nagkakahalaga ng P10,000.
Ayon kay Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Hans Leo Cacdac, hindi pa nila masiguro kung muli silang tatanggap ng mga bagong aplikasyon dahil nakadepende sa magiging tugon ng Department of Budget and Management (DBM) ang hinihiniling ng DOLE na karagdagang pondo.
Sa ngayon ay pinagtutuunan ng pansin ng ahensiya ang pamamahagi ng financial aid sa mga nakabimbing AKAP application na naisumite sa kanila bago ang January 14. DWIZ 882