(Inihirit ng manufacturers) TAAS-PRESYO SA DELATANG SARDINAS

sardinas

HUMIHIRIT ang Canned Sardines Association of the Philippines (CSAP) ng dagdag-presyo sa delatang sardinas sa gitna ng walang prenong pagtaas sa presyo ng petrolyo at hirap sa pangingisda sa karagatan ng bansa dahil sa umano’y pambu-bully ng China.

Ayon kay CSAP executive director Francisco Buencamino, nasa P3 ang hinihiling nilang prlce hike sa sardinas sa Department of Trade and Industry (DTI).

Pagbabalik lamang, aniya, ito sa dapat na presyo ng sardinas makaraang magpatupad ng price cap.

Sa kasalukuyan, ang suggested retail price (SRP) ng sardinas ay wala pa aniyang P19.

Paliwanag ni Buencamino, ang produksiyon ng sardinas ay naapektuhan noon pang pandemya dahil sa lockdowns at social distancing.

“Mga tao, manpower natin, nagkawatak-watak na. Nag-resign o lumipat ng trabaho and we cannot get them back.

The sardine industry is very labor-intensive,” pahayag niya sa panayam sa TeleRadyo Serbisyo.

“Makikita mo sa videos of canning factories, shoulder to shoulder ang tao diyan. During the pandemic, naging social distancing ang mold of operations. That immediately dropped our capacity,” sabi pa niya.

Lumaki pa, aniya, ang kanilang problema sa tuloy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo dahil nanghuhuli sila ng sardinas gamit ang mga sasakyang pandagat na gumagamit ng krudo.

Dagdag pa, aniya, ang ang hirap na mangisda sa karagatan ng Pilipinas dahil sa umano’y pambu-bully ng China.