(Inihirit ng mga manufacturer) TAAS-PRESYO SA 43 PRODUKTO

NASA 13 manufacturers ang nagsumite ng petisyon para sa pagtaas ng presyo ng 43 produkto.

Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Undersecretary Ruth Castelo, ang naturang mga produkto ay kinabibilangan ng canned sardines, condensed milk, evaporated milk, powdered milk, coffee, instant noodles, bottled water, canned meat at toilet soap.

Ang hinihiling na taas-presyo ay mula P0.10 hanggang P7 para sa food items at P1.50 hanggang P9.75 para sa non-food items.

“Ang consideration nila, ngayon ang kino-consider natin na dahilan ng manufacturers sa pagtaas ng presyo, ay ang cost ng raw materials, na kapag minsan ay imported pa ito kagaya ng sa canned sardines po, tamban ang isda na ginagamit sa sardinas,” ani Castelo.

“Ang instant noodles alam natin na imported ang wheat nila kasi wala naman tayong wheat sa Pilipinas. Pati po ang MDM, mechanically deboned meat na imported din dahil wala din tayo dito, for processed milk nila na skimmed milk, palm oil,” dagdag pa niya.

Kasalukuyan nang bineberipika ng DTI ang mga kadahilanan sa likod ng petisyon ng mga manufacturer.

Ayon kay Castelo, hindi nila basta tinatanggap ang ibinigay sa kanilang impormasyon ng mga manufacturer. May sarili, aniya, silang mekanismo para maberipika ang pagtaas ng presyo ng packaging materials at transportation cost.