HINILING ng isang grupo ng commercial bakers ang P2 hanggang P2.50 taas-presyo sa Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal sa gitna ng nagmamahal na raw materials para sa baking.
Sa ulat ng GMA News Online, sinabi ng Phil Baking na naghahanda silang magsumite ng kaugnay na datos sa Department of Trade and Industry (DTI) para sa inihihirit nilang price hike.
“’Yung usual na reason po is increasing prices of raw materials,” sabi ni DTI Assistant Secretary Amanda Nograles.
“‘Yung iba nga po nagsabi, tumaas daw po ang presyo ng flour so kami po sa DTI, kung ano man po ‘yung justification nila, vine-verify natin ‘yan using our own market data,” dagdag pa ni Nograles.
Sinabi naman ng Panadero Pilipino (PP), isang grupo ng community bakeries, na may sapat na basehan ang bakers’ association para sa kanilang hinihiling na dagdag-presyo.
Ayon kay PP president Luisito Chavez, matagal na dapat ang taas-presyo na ito kaya dapat na itong pagbigyan ng DTI.