(Inihirit ng mga panadero sa DTI) TAAS-PRESYO SA TINAPAY

HINILING ng mga panadero sa Department of Trade and Industry (DTI) na payagan silang magtaas ng presyo ng kanilang mga produkto, kabilang ang Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

Ayon kay Philbaking President Johnlu Koa, ito’y dahil sa tumataas na presyo ng harina na mula sa dating P710 per sack ay P995 na ngayon.

Sinabi ni Koa na sakaling magkaroon ng price hike matapos ang Enero 15, uutay-utayin nila ito upang maprotektahan ang mga consumer mula sa posibleng epekto ng taas-presyo.

Ipinanukala niyang ipatupad ito sa tatlong tranches na P2 per pack.

Sa kasalukuyan, ang Pinoy Tasty ay nasa P35 per pack, habang ang Pinoy Pandesal ay mabibili sa P21.50 per 10 pieces.

Ayon pa kay Koa, inaasahang muling magtataas ng presyo ang flour millers sa Agosto.

Samantala, sinabi ni Trade Undersecretary Ruth Castelo na inaasahan na ng pamahalaan ang paghirit ng mga panadero ng price hike dahil pinipigilan nila ito magmula pa noong nakaraang taon.

Gayunman, kung itutuloy ito ng mga panadero, ang dagdag-presyo ay dapat aniyang maliit lamang.

Sinuportahan naman ng community bakers ang pahayag ng Philbaking ngunit iginiit na may iba pang salik sa price increase tulad ng tumataas na presyo ng LPG at koryente.