KAILANGANG magpatupad ng fare hike upang matulungan ang mga driver at operator na mabayaran ang halaga ng isang modern jeepney unit na nagkakahalaga ng hanggang P4 million.
“Kailangan talaga hindi bababa sa P25 o P30 ang minimum na pamasahe sa apat na kilometro lamang at may succeeding
pa ito na kailangan P2 per kilometer,” pahayag ni Manibela chairperson Mar Valbuena sa CNN Philippines.
Mas mataas ito ng hanggang 130% kumpara sa kasalukuyang minimum fare na P13 para sa traditional jeepneys.
Bagama’t magkakaloob ang pamahalaan ng subsidiya na P200,000, sinabi ni Valbeuna na hindi pa rin ito sapat para ma-cover ang kanilang magiging gastusin sa modernisasyon. Aniya, mula sa P1.2 million noong 2018, ang isang modern jeepney ay nagkakahalaga ngayon ng hindi bababa sa P2.6 million.
Ang mga jeepney driver at operator ay may ilang araw na lamang para sa consolidation requirement sa ilalim ng public utility vehicle (PUV) modernization program na magtatapos sa January 2024.
Ayon kay Valbuena, wala silang problema pagdating sa pagsusumite ng mga requirements. Ang tangi, aniya, nilang isyu ay pinupuwersa sila ng gobyerno na mag-consolidate, na nangangahulugan ng pagsuko sa kanilang prangkisa.
“Sa kooperatiba po kasi mahirap. Marami na po ang nalugi at dalawang beses na-phase out ‘yung kanilang unit. Galing sa traditional, nag-modernize, and then ‘yung modern nawala rin sa kanila dahil nga po ‘di na nakabayad sa sobrang mahal,” paliwanag niya.