HUMIHILING ang transportation groups ng P2 dagdag sa pasahe sa lahat ng public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo.
Ang mga grupo na umaapela para sa taas-pasahe ay kinabibilangan ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas, Pagkakaisa ng mga Tsuper at Operators Nationwide, Stop & Go Transport Coalition Incorporated, at ng The Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines.
Ang panawagan ay isinagawa sa pamamagitan ng isang liham nitong Biyernes kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Teofilo Guadiz III.
Ayon sa grupo, ang inihihirit na fare hike ay para sa unang apat na kilometro.
Iginiit ng mga kinatawan ng transport groups na hindi na mapigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo kada linggo.
Nito lamang Martes ay pumalo sa P4 kada litro ang price hike sa diesel.
Bukod sa fuel products, binanggit din ng mga grupo ang malaking pagtaas sa presyo ng vehicle parts.
“These are just a few reasons that stakeholders providers of the service are almost living a handto-mouth existence if the government will not do any measures that may somehow address these issues and concerns,” nakasaad sa liham.
“The immediate action and consideration of the good chairman of the LTFRB on this matter will go a long way in uplifting the economic conditions of the drivers and operators,” dagdag pa nito.