(Inihirit sa gitna ng patuloy na oil price increase) TEMPORARY P1 FARE HIKE

NANAWAGAN ang Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) sa pamahalaan na payagan silang pansamantalang itaas ng P1 ang minimum fare sa jeepney sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga poduktomg petrolyo.

Sa isang panayam sa radyo, iginiit ni FEJODAP president Ricardo ‘Boy’  Rebaño ang kanilang apela para sa “kagyat na aksiyon” mula sa pamahalaan para matulungan sila sa kanilang kalagayan habang dinidinig ang kanilang petisyon para sa  P5 dagdag-pasahe sa dyip sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

“Hirap na hirap na po talaga. Ang sabi nga ng iba gusto na nilang  tumigil sa paghahanapbuhay dahil nga po dito sa mga pangyayaring ito. Masyado naman kaming nasasamantala ng mga malalaking kompanya. Pinagsasamantalahan kami dahil dito sa giyera dito sa Ukraine at Russia at wala namang ginagawa ang pamahalaan para kami ay tulungan,” sabi ni Rebaño.

Noong Pebrero 28 ay muling tumaas ang presyo ng petrolyo sa ika-9 na sunod na linggo at sa Martes, Marso 8, ay inaasahan na papalo sa P3 hanggang P5 kada litro ang taas-presyo.

Ayon sa Department of Energy (DOE), ang sunod-sunod na pagtataas sa presyo ng petrolyo ay sanhi ng limitadong global supply at ng nagpapatuloy na tensiyon sa pagitan ng Ukraine at ng Russia.

Sinabi ni Rebaño na ang temporary P1 fare increase na direktang mapupunta sa mga jeepney driver ay malaking tulong sa kanila sa panahong ito ng krisis.

“Amin naman po itong piso na ‘to. Eh, iyon lang naman sana ang pansamantalang labasan ng order na makapaningil na ho nang tama itong aming mga drayber. Piso lang po na pansamantala ang hinihingi namin,” aniya.