(Inihirit sa gobyerno) PAID PANDEMIC LEAVE SA WORKERS

UMAPELA si Assistant Minority Leader at Gabriela Partylist Rep. Arlene Brosas sa pamahalaan na bigyan pa rin ng ayuda ang mga pamilya at pagkalooban ng paid pandemic leave ang mga manggagawang apektado ng COVID-19 surge.

Paalala ng kongresista, gumagastos sa gamot, pagkain at testing ang mga taong tinamaan ng Omicron variant ng COVID-19.

Higit aniyang kawawa ang mga ‘no work, no pay’ na kailangang mag-quarantine.

Kaya naman giit ni Brosas sa pamahalaan, magbigay ng sapat na ayuda at aprubahan ang paid pandemic leave.

Sinabi niya na nasa P39 billion ang pondo sa ilalim ng Protective Services program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na maaaring magamit para mamahagi ng cash assistance sa mga pamilyang apektado ng quarantine.

Para naman sa paid pandemic leave, maaari naman aniyang magamit ang bahagi ng koleksiyon ng Social Security System (SSS).

Kasabay nito ay umapela ang kongresista sa ehekutibo na sertipikahan bilang urgent ang House Bill 7909 o ang paid pandemic leave upang matiyak na may standby funds para sa mga manggagawa na apektado ng pandemya. CONDE BATAC