(Inihirit sa Kamara) P510-M DAGDAG BUDGET SA ELITE SPORTS SA 2021

Bambol

HINILING ni Philippine Olympic Committee (POC) President Rep. Abraham ‘Bambol’ Tolentino ang P510 million na dagdag-budget para sa elite sports sa 2021 sa harap ng pinaigting na kampanya ng bansa na makopo ang kauna-unahang Olympic gold medal nito.

“Tokyo could be that host city where the country could win not one, not two, but probably more Olympic gold medals in 2021. And along this line, the athletes need all the support in their bid to accomplish what has never been achieved before,” sabi ni Tolentino matapos ang kanyang interpellation sa panukalang budget ng Philippine Sports Commission’s (PSC) para sa  2021.

Ipinanukala ng PSC ang tradisyunal na Department of Budget Management-endorsed P207 million 2021 budget na nakalaan para sa operasyon ng ahensiya at sa sahod ng mga empleyado nito.

Bukod dito, ipinanukala rin ang karagdagang P510 million bilang dagdag na pondo para sa Filipino athletes na nagsasanay at naghahanda para sa Tokyo Olympics at para sa Games qualifiers.

“The PSC needs the full support of Congress—the House and Senate—because 2021 is the year when the Olympic gold medal beckons,” ayon kay Tolentino. “I am confident that elusive gold medal will be achieved in Tokyo.”

Ayon kay PSC Chairman William ‘Butch’ Ramirez, sa  P510 million na dagdag na budget, P150 million ang para sa kampanya sa Tokyo Olympics, habang P100 million ang ilalaan para sa paghahanda at paglahok sa Southeast Asian Games kung saan idedepensa ng bansa ang overall championship at host ang Vietnam. Nakatakda ang biennial games sa  November 21-December 2 ng susunod na taon.

“The SEA Games are on top of the priorities as we defend the overall title which we achieved when we hosted the event in 2021,” ani Tolentino.

Ang nalalabing P250 million ay ilalaan sa Asian Beach Games, Asian Indoor Martial Arts Games, Asian Youth Games, Asian Youth Para Games, SEA Para Games, Tokyo Paralympics at Asean Youth Games.

Malaki ang kumpiyansa ni Tolentino kina world champion gymnast Carlos Yulo at recently turned pro boxer Eumir Felix Marcial para makamit ang pinakaaasam na gold medal sa Olympics, gayundin kina fast-progressing pole vaulter Earnest John ‘EJ’ Obiena at woman boxer Irish Magno.

Nagtatangka ring magkuwalipika sa Olympics sina women’s world boxing champion Nesthy Petecio at Rio 2016 weightlifting silver medalist Hidilyn Diaz, na ang kanya-kanyang Tokyo qualifiers ay ipinagpaliban sa 2021 dahil sa COVID-19 pandemic.

Sa pagtaya ni Mariano ‘Nonong’ Araneta, ang Philippine chef de mission sa Tokyo, hindi bababa sa 18 ang bilang ng mga Pinoy na magkuku-walipika sa Games na gaganapin sa Hulyo 23 hanggang Agosto  8, 2021.

Comments are closed.