(Inihirit sa Kamara)DAGDAG NA AYUDA SA 4Ps BENEFICIARIES

4Ps-3

BINIGYANG-DIIN ni AGRI Party-list Rep. Wilbert T. Lee ang pangangailangang maamyendahan ang Republic Act No. 11310 o ang “An Act Institutionalizing the 4Ps”, partikular ang pagpasok ng probisyong magbibigay pagkakataon sa mga miyembro ng pamilyang benepisyaryo nito na mapagkalooban din ng tulong para sa kanilang edukasyon, pamumuhunan at mga pagsasanay sa pagtatrabaho.

Sa isinagawang pagdinig ng House Committee on Poverty Alleviation kamakailan, tinalakay ang panukalang “Expanded Pantawid Pamilyang Pilipino Program Act,” na pangunahing inakda ng AGRI party-list solon.

“Anchored in the principle of investing in human development, we want to address poverty by opening opportunities for 4Ps adult beneficiaries to capacitate them to provide for their families after the 7-year maximum period that the program is allowed to support them,” paliwanag ni Lee sa kanyang proposed measure.

“Adults must not be forgotten or neglected just for the mere reason that they are already working. We can still help them and give them opportunities to make their lives better,” dagdag pa ng mambabatas mula sa Sorsogon.

Sa ilalim ng panukala ni Lee, na agad ding inaprubahan ng nabanggit na House panel, ang mga miyembro ng pamilyang saklaw ng 4Ps ay bibigyan ng tatlong track: ang Entrepreneurship Track, Employment Track at ang Alternative Learning System (ALS) Track.

Ang mga indibidwal na kwalipikadong benepisyaryo na matagumpay na nakumpleto ang Entrepreneurship Track ay bibigyan ng tulong ng Department of Trade and Industry (DTI) upang matiyak na mapadali ang pagsisimula nito ng isang micro o maliit na negosyo at maiugnay ito sa isang target na kliyente.

Ang mga nakatapos naman ng Employment Track ay bibigyan ng job facilitation assistance ng Department of Labor and Employment (DOLE), habang ang mga nakatapos ng non-formal education gamit ang ALS Track ng Department of Education (DepEd) hanggang sa makatapos sila ng Senior High School ay dapat mabigyan ng tulong upang matiyak ang kanilang paghahanap ng mas mataas na pag-aaral o trabaho.

“Mas makakamit ang layunin ng programa kung nabibigyang lakas at kakayahan din ang iba pang miyembro ng 4Ps families na mapaunlad ang sarili at pamilya. Sa pag-asenso nila, mas makakaambag sila sa komunidad at sa buong bansa,” dagdag pa ng mambabatas.

ROMER R. BUTUYAN