(Inihirit sa pamahalaan)FUEL SUBSIDY SA TOURISM SHUTTLE OPERATORS

HINIMOK ni Quezon Rep. Reynan Arrogancia ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno na pagkalooban din ng subsidiya ang mga tourism shuttle operator.

Sa kasalukuyan, ang mga benepisyaryo ng fuel subsidy ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay ang PUV drivers tulad ng jeepneys, mini buses, UV express, taxis at tricycles, gayundin ang transport network vehicle service (TNVS), motorcycle taxis at delivery services.

Binigyang-diin ni Arrogancia na tulad ng mga PUV driver, nahihirapan din sa patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo ang mga tourism shuttle operator.

Malaking tulong, aniya, sa pagbangon ng sektor ng turismo kung sila ay maisasama sa mga benepisyaryo ng fuel subsidy.

Bagama’t naniniwala ang kongresista na makabubuti sa negosyong panturismo ang pagtaas ng dolyar kontra piso, nababawi naman ito sa napakamahal na imported oil at petroleum products.

Hinikayat ng mambabatas ang Department of Transportation (DOTR), Department of Finance (DOF), Department of Tourism (DOT), Department of Budget and Management (DBM) at ang Department of Agriculture (DA) na humanap ng paraan para sa mas malawak na fuel subsidies sa mga entrepreneur ng transport sector.