(Inilaan ng DA) P350-M PARA SA BAKUNA VS ASF

NAGLAAN ang Department of Agriculture (DA) ng P350 million para sa pagbili ng mga bakuna laban sa African Swine Fever (ASF).

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., ang pondo ay ilalabas kapag inaprubahan at inirehistro na ang mga bakuna ng Food and Drug Administration (FDA), isang ahensiya sa ilalim ng Department of Health ( DOH).

Ang mga bakuna, kabilang ang nagmula sa Vietnam, ay malapit nang sumailalim sa controlled rolled-out na ipagkakaloob ng Bureau of Animal Industry (BAI).

Kasunod ng direktiba ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. noong Abril, ang DA, DOH, FDA at BAI ay lumagda noong

Hunyo sa isang kasunduan para mapadali ang proseso para sa manufacturers, importers, at suppliers ng ASF vaccines.

Ang pinadaling prosesong ito ay magpapabilis sa pag-apruba at paglarga ng mga bakuna na kritikal sa paglaban sa ASF outbreak.

Sa pinagsama-samang pagsisikap, ang swine industry ay patuloy na nahaharap sa mga hamon sa pagrekober mula sa ASF, na unang lumutang noong 2019.

Hanggang July 26, 2024, natukoy ng BAI ang aktibong kaso ng ASF sa 45 munisipalidad sa 18 lalawigan sa buong bansa.

Kasalukuyang isinasapinal ng BAI ang mga alituntunin sa pakikipagtulungan sa agricultural at veterinary stakeholders para sa kontroladong paggamit ng ASF vaccines. Isusunod ang public consultations upang matiyak na ang mga alituntunin ay komprehensibo at epektibong naipatutupad.

Bumalangkas si Secretary Tiu Laurel ng mga plano para sa controlled rollout ng ASF vaccines, na nakatakdang simulan sa third quarter sa ilalim ng pangangasiwa ng BAI.

“This rollout will prioritize eligible clustered backyard farms, semi-commercial farms, and commercial enterprises, aiming to mitigate ASF’s impact and stabilize the swine industry,” ayon kay Tiu Laurel.

Matapos ang controlled roll-out, susuriin ng BAI ang pagiging epektibo ng bakuna basa sa predefined criteria bago ito iendorso sa FDA para sa final approval at registration.

“This strategic initiative underscores the DA’s commitment to safeguarding the swine industry and enhancing national food security amidst persistent challenges posed by ASF,” anang DA chief.