NASA P471.3 milyon ang inilaan ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasakang naapektuhan ng mga bagyong Kristine at Pepito sa Bicol Region.
Pinamamadali na ng DA-Bicol ang pamamahagi ng tulong upang makabangon ang sektor ng agrikultura na nasalanta ng nagdaang mga bagyo.
Ang naturang halaga ay inilaan bilang ayuda sa mga magsasaka sa Bicol Region, kabilang dito ang mga hybrid, uncertified palay seeds, assorted vegetable seeds, garden tools at iba ‘t ibang kagamitan sa pagsasaka para sa ibang local government units sa naturang rehiyon.
Nasa 8,090 bags ng 15 kilos na hybrid rice seeds ang na-deliver na sa ilang probinsya ng Bicol na itinuring na pinakagrabeng nasalanta ng mga bagyo.
Ang hybrid seeds ay ipinamahagi upang makapagtanim ulit ang mga magsasaka sa Camarines Sur, 3,316 bags; Albay, 1,750 bags; Camarines Norte, 1,376 bags; Sorsogon, 1,260 bags, at Masbate, 388 bags.
Namahagi rin ang DA-Bicol ng P1 milyong halaga ng yellow corn seeds sa Albay, Camarines Norte, at Camarines Sur at namigay rin ng iba pang farm equipment tulad ng wheel barrow, at iba pang sets ng garden tools.
Samantala, sa Catanduanes ay may P1.2 milyong halaga ng tulong at 168 sets ng garden tools ang ipinamahagi. Sa tala ng Bicol. nasa P5.1 bilyon ang halaga ng iniwang pinsala sa pananim at livestocks ng dalawang bagyo.
May 59,937 magsasaka at mangingisda naman ang apektado ng naturang mga bagyo.
Ma. Luisa Macabuhay- Garcia