(Inilaan ng DA) P50-M BAYAD-PINSALA SA ASF-AFFECTED HOG RAISERS

NASA P50 million ang inilaang pondo ng Department of Agriculture (DA) para sa itinaas na alok nitong bayad-pinsala sa mga baboy na apektado ng African swine fever (ASF).

Ang hakbang ay upang maengganyo ang mga hog raiser na isuko na ang kanilang mga alaga at sumunod sa protocol upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.

Ayon kay DA Undersecretary for Livestock Deogracias Victor Savellano, isa layunin ng indemnification ay ang iiwas ang mga hog raiser na mabiktima ng mga mapagsamantalang biyahero na nagiging sanhi ng pagkalat ng ASF sa iba’t ibang lalawigan.

Ginawa ni Savellano ang pahayag matapos ang konsultasyon sa iba pang mga opisyal ng DA, kabilang sina Undersecretary for Policy, Planning and Regulation Asis Perez at Assistant Secretary for Poultry and Swine Dante Palabrica, sa isang pagpupulong sa mga lokal na opisyal ng Calabarzon at mga grupo ng griculturists, at hog raisers noong Sabado sa Tiaong, Quezon bunga ng outbreak ng ASF sa lalawigan ng Batangas.

Sa serye ng pagpupulong noong Sabado, inilatag ng naturang DA officials ang mga panuntunan o protocols na dapat tandaan upang maiwasan ang pagkalat ng ASF.

Pinag-usapan din sa naturang pagpupulong ang tamang paraan ng pagbibiyahe ng malulusog na alagang baboy upang maiwasan ang pagkalat ng ASF na nagdulot na ng pinsala sa industriya magmula pa noong 2019.

Ayon kay Savellano, inaprubahan ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. kamakailan ang mas mataas na indeminifcation o bayad kada ulo ng baboy na isusuko ng hog raisers para sa isasagawang depopulation nito upang mapigilan ang hawahan at pagkalat ng ASF.

Para sa mga biiik, ang indemnification ay P4,000 kada ulo, P8,000 naman ang bayad sa medium-sized na baboy, at P12,000 para sa mas malalaking baboy.

Dati, ang alok na indemnification kada baboy ay P5,000 lamang.

“The higher indemnification is meant to encourage pig farmers to surrender their animals instead of selling them to unscrupulous traders who eventually transport the infected swine to other areas for slaughter,” sabi ni Savellano. Ma. Luisa Macabuhay-Garcia