NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng mahigit P30 billion para sa livelihood at employment programs ng pamahalaan sa ilalim ng 2024 General Appropriations Act (GAA).
Ayon sa DBM, ang halaga ay inilaan para sa mga programa na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Ang Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD ng DOLE ang nakakuha ng lion’s share na P28.867 billion.
Ang TUPAD program ay isang community-based safety net initiative na nagkakaloob ng pansamantalang hanapbuhay sa mga manggagawa sa informal sector. Partikular nitong tinatarget ang underemployed o mga manggagawa na hindi tumatanggap ng sapat na sahod sa kanilang kasalukuyang mga trabaho; self-employed individuals; at displaced marginalized workers o yaong mga nawalan ng trabaho o lumiit ang kita dahil sa pandemya.
Sa ilalim ng GAA ay inilaan din ang P2.352 billion para sa Integrated Livelihood Program (DILP) ng DOLE.
Ang DILP, o ang Kabuhayan Program, ay isa sa mga pangunahing programa ng DOLE na naglalayong tulungan ang marginalized groups tulad ng self-employed individuals, unpaid family members, low-wage at seasonal workers, displaced workers, at landless farmers.
Samantala, naglaan naman ang DBM ng P46.021 million para sa JobStart Philippines Program.
Layon ng JobStart program na tulungan ang mga kabataan, na hanggang high school lamang ang pag-aaral at walang trabaho, na magkaroon ng kaalaman sa local labor market conditions, career assessments, at life skills training, at pagkatapos niyan ay magkaroon sila ng oportunidad na sumailalim sa technical training at internships sa private sector employers.
Nasa P488.198 million naman ang inilaan sa Special Program for Employment of Students (SPES), at P707.716 million sa Government Internship Program (GIP).
Ang SPES ay isang government initiative na naglalayong mabigyan ng temporary employment ang mga estudyanteng nangangailangan para makapagpatuloy sila sa pag-aaral.
Samantala, ang GIP ay isang inisyatibo ng gobyerno na nagkakaloob ng internship opportunities sa mga may edad 18 hanggang 30. Tinatarget nito ang high school students, technical-vocational institute students, college graduates na nais magkaroon ng career sa public service, at out-of-school youth.
Ayon pa sa DBM, inilaan din ang P258.722 million para sa DOLE Adjustment Measures Program (DOLE AMP) na naglalayong palakasin ang kasanayan ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagpopondo sa skills upgrade projects.