NAGLAAN ang pamahalaan ng P49.8 billion para sa P1,000 monthly pension ng mahihirap na senior citizens, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Ang pondo para sa Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC) ay isinama sa National Expenditure Program (NEP) at inaasahang mabebenepisyuhan ang mahigit 4 million indigent senior citizens.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang tinaasang pondo ay kasunod ng pagpapatupad ng Republic Act No. 11916, na dinoble ang monthly pension ng mahihirap na seniors sa P1,000 mula P500.
Bukod sa social pension program, ang pamahalaan ay naglaan din ng mahigit P3 billion para ipatupad ang Expanded Centenarians Act. Kinabibilangan ito ng P100,000 cash gift para sa centenarians at karagdagang P10,000 benepisyo para sa mga Pilipino na may edad 80, 85, 90, at 95.
Sa kaagahan ng taon ay inaprubahan ng House of Representatives ang isang bill na naglalayong palawakin ang bilang ng saklaw ng P1,000 monthly stipend sa lahat ng Pilipino na may edad na hindi bababa sa 60.
Ayon sa United Senior Citizens Partylist, kapag ipinatupad, daragdagan ng panukala ang mga benepisyaryo mula sa kasalukuyang mahigit apat na milyong indigent senior citizens sa tinatayang 10.5 million senior citizens.