NAGLAAN ang Department of Budget and Management (DBM) ng kabuuang P2.5 billion para sa modernisasyon ng ilang airports sa buong bansa.
Ayon sa DBM, ang budget ay nasa ilalim ng National Expenditure Program (NEP) para sa 2023 bilang bahagi ng tinaasang alokasyon para sa Department of Transportation (DOTr).
Ang proposed budget ng DOTr sa susunod na taon ay tumaas ng 120.4 percent sa P167.1 billion mula sa P75.8 billion noong 2022.
Ayon pa sa ahensiya, popondohan ng budget sa airport modernization ang implementasyon ng Aviation Infrastructure Program, na kinabibilangan ng konstruksiyon, rehabilitasyon at improvement ng iba’t ibang airports sa bansa.
“We fully support the directive of the President to give high priority to infrastructure development in our drive for growth and employment. Kasama po dito ang airports o mga paliparan sa bansa,” sabi ni Budget Secretary Amenah F. Pangandaman.
Aniya, ang pagbuhos ng kinakailangang budget para sa modernisasyon ng mga airport ay makatutulong para matupad ang direktiba ni Presidente Bongbong Marcos, Jr. sa “Build, Better, More”.
Ang mga airport na makikinabang sa pondo ay ang Ninoy Aquino International Airport, Laoag International Airport, Tacloban AIrport, Antique Airport at Bukidnon Airport.