PINAIGTING ng DOLE Regional Office sa Calabarzon ang pagsisikap nito na mapagaan ang epekto ng pananalasa ni Severe Tropical Storm Kristine sa buong rehiyon sa pamamagitan ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers (TUPAD) Program.
Iniulat ni Regional Director Atty. Roy L. Buenafe na naglaan ang DOLE Calabarzon ng P424,437,726 para sa 72,714 manggagawa na naapektuhan ng pananalasa ng bagyo.
“This intervention is needed now more than ever to provide income-earning capacity for our disadvantaged workers thereby allowing them to contribute to the efforts of the community in rehabilitation and recovery,” sabi ni Regional Director Buenafe.
Ang tulong ay ilalatag sa buong rehiyon kung saan ang lalawigan ng Batangas ang tatanggap ng pinakamalaking share na P172,027,174 na magbibigay benepisyo sa 29,729 workers.
Sumunod ang lalawigan ng Cavite na may P87,521,290 para sa 14,815 constituents nito; lalawigan ng Laguna na tatanggap ng P87,050,182 para sa 14,617 workers; Quezon na may P61,460,184 para sa 10,764 workers; habang P16,378,896 ang ilalaan sa lalawigan ng Rizal para sa 2,816 disadvantaged workers nito.
Ang mga benepisyaryo ay magtatrabaho ng 10 araw at magsasagawa ng community clean-up, debris clearing, at rehabilitasyon ng public infrastructures mula October 25 hanggang November 2024. Babayaran sila ng pinakamataas na umiiral na minimum wage rate sa rehiyon.
Sa pagdedeklara ng state of calamity sa ilang lugar sa Calabarzon, umaasa ang DOLE Regional Director na ang intervention ay makatutulong upang mapagaan ang sitwasyon ng mga apektadong manggagawa.