MAY kabuuang P4.6 billion na ayuda ang ipagkakaloob sa mahihirap na magsasaka na naapektuhan ng El Niño phenomenon, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang mga magsasaka ay bibigyan ng rice subsidies at cash-for-work assistance sa loob ng apat na buwan upang matulungan sila na makabangon mula sa agricultural loss na sanhi ng kakulangan ng ulan.
Sinabi ng ahensiya na ang bawat beneficiary family ay tatanggap ng isang sako ng bigas kada buwan habang ang mga sasailalim sa cash-for-work program ay mag-uuwi ng 75 percent ng minimum daily regional wage rate sa kanilang lugar sa loob ng 40 araw o 10 working days kada buwan.
Bukod sa naturang budget, tiniyak ng DSWD na may sapat na standby resources ang ahensiya na nagkakahalaga ng P2.2 billion upang magkaloob ng tulong sa mga apektadong magsasaka.
Sa pagtaya ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang pinsala sa agrikultura ng El Niño ay aabot sa halos P8 billion hanggang noong Abril.
Sa pinakahuling El Niño advisory na ipinalabas ng PAGASA, ang tagtuyot ay tatagal hanggang Agosto.
Comments are closed.