MAY kabuuang P4-billion ang inilaan ng pamahalaan ngayong taon para sa fuel subsidy ng mga driver at magsasaka, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ng DBM na ang inilaang halaga ay hinugot sa regular budgets ng Department of Transportation (DOTr) at Department of Agriculture (DA) sa ilalim ng 2023 General Appropriations Act (GAA).
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, ang patuloy na pagkakaloob ng fuel subsidy sa mga driver at magsasaka ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
“Kagagaling lang po natin sa pandemya. Naiintindihan po natin na maraming naapektuhang drivers and even our farmers and fisherfolks. We are banking on our transport and agriculture sector to boost economic recovery. And so we need to provide them the help and boost they need,” dagdag ni Pangandaman.
Sinabi ng ahensiya na may kabuuang P3- billion ang inilaan sa national budget para sa fuel vouchers ng qualified public utility vehicle (PUV), taxi, tricycle, at full-time ride-hailing at delivery service drivers sa buong bansa.
Mas mataas ito ng P500 million kumpara sa P2.5-billion sa fuel subsidy program ss 2022 budget.
Layunin nito na mapagaan ang epekto ng mataas na presyo ng petrolyo sa libo-libong PUV drivers.
Samantala, nasa P1 billion naman ang inilaan para sa fuel assistance sa mga magsasaka at mangingisda.
Nasa P3,000 halaga ng fuel subsidy bawat isa ang matatanggap ng mahigit 312,000 farmers at fisherfolk.