(Inilaan ng OVP)P32.5-M SA LIBRENG SAKAY

NAGLAAN ang Office of the Vice President (OVP) ng P32.5 million mula sa panukalang P2.3-billion budget nito para sa 2023 para sa sarili nitong Libreng Sakay program.

Sa isang presentation sa House appropriations panel noong Miyerkoles, lumitaw sa budget proposal ng OVP ang P32.5-million budget para sa operasyon ng satellite offices at pagbili ng iba’t ibang motor vehicles tulad ng passenger van at bus sa ilalim ng Libreng Sakay program.

Ang P32.5-million allocation ay nasa ilalim ng transportation capital outlay.

Inilunsad ng OVP ang Libreng Sakay program nito noong Agosto katuwang ang Department of Transportation (DOTr).

Humiling ang DOTr ng P12 billion para sa service contracting program nito, na nagpapahintulot sa sarili nitong Libreng Sakay program para sa 2023, ngunit hindi ito pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM).

Naunang sinabi ni Budget Undersecretary for Media Affairs, Community Relations, and Internal Audit Goddes Libiran na ang service contracting program ay isang non-recurring o one-time expenditure item.

Ang Libreng Sakay program ng DOTr ay inilunsad noong late 2020 sa ilalim ng Republic Act No. 11494 o ang Bayanihan to Recover as One Act upang tulungan ang mga commuter at yaong mga nasa public transport sector na apektado ng COVID-19 pandemic.