MAY P253.378 billion ang inilaan sa 2025 budget para sa ayuda sa vulnerable sectors ng lipunan, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).
Sinabi ng DBM na ang budget allocation para sa cash assistance ay naaayon sa Philippine Development Plan (PDP) 2023-2028, na nakapokus sa pagpapatupad ng economic at social transformations, kabilang ang pagpapalakas sa kakayahan ng bawat Pilipino sa pamamagitan ng pagbabawas sa kanilang vulnerabilities at pangangalaga sa kanilang purchasing power.
Ang budget allocation ay mas mataas sa 2021, 2022, at 2023 allocations na nagkakahalaga ng P200.9 billion, P276.8 billion, at P251.3 billion, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Para sa 2024, ang total appropriations para sa ayuda o cash assistance programs ay nagkakahalaga ng P318.5 billion.
Sakop nito ang financial assistance programs na ipinatutupad ng Department of Agriculture (DA), kabilang ang Rice Farmers Assistance program at Fuel Assistance to Farmers and Fisherfolk; Cancer Assistance Fund, Medical Assistance to Indigent and Financially-Incapacitated Patients ng Department of Health (DOH); Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged Workers Program ng Department of Labor and Employment (DOLE); at iba pang social protection programs ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), tulad ng Ayuda sa Kapos Ang Kita Program, Pantawid Pamilyang Pilipino Program, Protective Services for Individuals and Families in Difficult Circumstances, Social Pension for Indigent Senior Citizens, at pagkakaloob ng mga karagdagang benepisyo sa Filipino centenarians.
Kabilang din sa appropriation ang implementasyon ng fuel subsidy para sa transport sector sa ilalim ng Department of Transportation (DOT).
Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang budget allocation ay titiyak sa patuloy na pagpapatupad ng naturang mga programa at iba pang inisyatiba, kabilang ang Philippine Food Stamp, isa sa priority programs ng administrasyon.
Ang education sector ay nananatiling top priority sa panukalang P6.352 trillion national budget para sa 2025, na bumubuo sa 15.4 percent ng National Expenditure Program (NEP) o P977.6 billion.
Ayon sa DBM, mas mataas ito sa P968.9 billion allocation sa budget ngayong taon.
Susuportahan ng budget ang mga programa ng DepEd, kabilang ang MATATAG Agenda for Basic Education.
Bibigyan din ng mas mataas na alokasyon ang iba pang mahahalagang education programs, tulad ng school-based feeding program.