(Inilaan sa ilalim ng panukalang 2025 budget) P591.8-B PARA SA AYUDA PROGRAMS

KABUUANG P591.8-billion ang inilaan para sa cash assistance o ayuda programs para sa mahihirap na pamilya sa ilalim ng panukalang 2025 national budget, ayon sa Department of Budget and Management (DBM).

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman na sa naturang halaga, ang conditional cash transfer program Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ang tatanggap ng pinakamalaking budget sa P114.2 billion.

“Kasama na rin po dito [sa mga pinaglaanan ng pondo ay] ‘yung AICS (Assistance to Individuals in Crisis Situation), TUPAD (Tulong Pang-hanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers), ‘yung free tertiary education, kasama na rin po dito ‘yung mga SLP (Sustainable Livelihood Program) under DSWD (Department of Social Welfare and Development),” pahayag ni Pangandaman sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) sa Senado.

Gayunman, sinabi ng DBM na ang Ayuda para sa Kapos ang Kita Program o AKAP ng DSWD ay hindi na kasama sa 2025 National Expenditure Program.

Ayon sa DBM, ang AKAP cash aid program, na nagkakaloob ng one-time P5,000 aid sa mga pamilya na kumikita lamang ng hanggang P23,000 kada buwan, ay hindi isinama ng DSWD sa kanilang budget proposal para sa 2025.

Subalit sinabi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel na hindi rin hiniling na pondohan ang AKAP noong 2024, subalit naisingit pa rin ito sa national budget ngayong taon.

Tiniyak naman ni Senate committee on finance chairperson Grace Poe kay Pimentel na hindi magkakaroon ng biglaang pagsisingit sa bicameral conference.

“I can assure our minority leader that we will keep a watchful eye. Kung ano lang ‘yung na-approve natin,” ayon kay Poe.