(Inilaan sa proposed 2024 budget) P49.8-B PARA SA SOCIAL PENSION NG SENIORS

SENIORS-2

ITINAAS ng Department of Budget and Management (DBM) ang inilaang pondo para sa social pension ng mahihirap na senior citizens sa ₱49.81 billion sa ilalim ng panukalang P5.768 trillion national budget sa susunod na taon.

Halos doble ito ng ₱25.30 billion na alokasyon sa 2023 General Appropriations Act (GAA).

“The budget for social pension for indigent senior citizens will be doubled to ₱49.81 billion to cover the increased government monthly allowance of ₱1,000 for more than four million indigent senior citizens who are not part of the pension system,” pahayag ni Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Ang social pension program ay bahagi ng pagpapatupad ng Expanded Senior Citizens Act of 2010, na nagkakaloob ng karagdagang monthly government assistance na ₱500 sa senior citizens na mahina o may kapansanan, walang regular income o suporta mula sa pamilya, at walang pension mula sa private o government institutions.

Dumoble ang monthly pension ng mahihirap na seniors sa ₱1,000 matapos na mag-lapse into law ang Social Pension for Indigent Senior Act o ang RA 11916 noong Hulyo 30, 2022.

Ang pondo para sa social pension ng mahihirap na seniors ay nasa ilalim ng budget ng gobyerno para sa social services sector, na nasa ₱2.183 trillion o 37.9% ng panukalang ₱5.768 trillion national budget para sa 2024.