MAY kabuuang P45.96 million na financial assistance ang ipinamahagi ng Department of Agriculture (DA) sa 9,192 magsasaka mula sa anim na bayan sa lalawigan ng Antique.
Sinabi ni DA Antique Provincial Coordinating Office officer-in-charge Sonie Guanco na ang cash aid na nasa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay nabenepisyuhan ang 1,580 magsasaka mula sa bayan ng Tobias Fornier; 423 sa Anini-y; 1,958 sa San Remigio; 2,546 sa Sibalom; 848, Belison; at 1,837 mula sa Patnongon.
“Each farmer who owns two hectares and below of farmland is being given PHP5,000 financial assistance so that they would have money to buy their needed farm inputs,” sabi ni Guanco, at idinagdag na ang pamamahagi ng pondo ay nagsimula noong nakaraang Jan. 9.
Aniya, maaaring gamitin ng farmer-beneficiaries ang halaga sa pagbili ng fertilizers, seeds at iba pang pangangailangan.
Ang Sibalom, na siyang rice granary ng lalawigan, ang may pinakamaraming magsasaka na tumanggap ng ayuda noong Miyerkoles na nagkakahalaga ng P12.7 million.
Ang pondo ay inilabas sa pamamagitan ng contracted money remittance center ng Development Bank of the Philippines (DBP), isa sa bank partners ng DA para sa programa.
Sa susunod na linggo ay ang mga benepisyaryo mula sa Bugasong at Valderrama naman ang makatatanggap ng ayuda.
Target ng DA na maayudahan ang 18,342 magsasaka sa buong lalawigan.
PNA