ALINSUNOD sa direktiba ng administrasyong Marcos na pag-ibayuhin ang suporta ng pamahalaan sa mga magsasaka upang matiyak ang tuloy-tuloy na ani, ipinalabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang kabuuang P4.5 billion para sa crop insurance premium ng mga magsasaka at mangingisda sa bansa.
Ayon sa DBM, inaprubahan ni Budget Secretary Mina Pangandaman noong March 19 ang pagpapalabas ng isang Special Allotment Release Order na may kabuuang halaga na P4.5 billion at ng kaukulang Notice of Cash Allocation nito para sa 1st quarter ng taon sa halagang P900 million sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC).
Sinabi ni Pangandaman na ang allotment ay makatutulong sa agriculture sector na mapagaan ang epekto ng El Niño phenomenon at ng iba pang natural hazards.
“In light of the escalating challenges posed by climate change, which heightens the risks to both our economy and food security, it becomes imperative to prioritize the provision of financial security and insurance to empower our farmers and fishermen,” wika ni Pangandaman.
“This assistance is intended to help them safeguard their means of living, ensuring they can continue their activities despite unforeseen events,” dagdag pa niya.
Noong 2023, ang PCIC na may mandatong magkaloob ng insurance protection sa mga magsasaka, ay nakapag-insure ng mahigit sa 2.3 milyong magsasaka at mangingisda na nakalista sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture, nahigitan ang target na bilang ng mga benepisyaryo ng 44,855.
Para ngayong taon, ang authorized appropriation ng PCIC na P4.5 billion sa ilalim ng 2024 budget ay inaasahang masasaklaw ang buong halaga ng crop insurance premiums ng mahigit 2.292 million targeted farmers.
(PNA)