(Inilabas ng DBM) P6.2-B CASH AID SA MAHIHIRAP

DBM

NAKAPAGPALABAS na ang Department of Budget and Management (DBM) ng P6.2 bilyong pondo para sa first tranche ng cash subsidy sa pinakamahihirap na populasyon sa bansa.

Ito ay sa gitna ng tumataas na presyo ng petrolyo at mga pangunahing bilihin.

Ayon sa DBM, nasa anim na milyong benepisyaryo ng Targeted Cash Transfer program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tatanggap ng tig-P1,000 cash aid para sa first tranche.

Kabilang din sa mga benepisyaryo ang dalawang milyong social pension beneficiaries at apat na milyong pamilya na sakop ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program.

Ang ayuda ay nakatakdang ipamahagi sa tatlong tranches, kung saan ang bawat benepisyaryo ay tatanggap ng P500 monthly cash subsidy sa loob ng anim na buwan. Ang bawat tranche ay para sa dalawang buwang ayuda.

“The DBM will ensure the timely and prudent release of funds and work closely with all implementing agencies to help ease the burden of the vulnerable population most affected by global crises,” pahayag ng DBM.

Matatanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang cash cards na inisyu ng Landbank of the Philippines o ang iba pang inaprubahang pamamaraan ng distribusyon.

Noong nakaraang Marso ay nagkaloob ang pamahalaan sa ilalim ni dating Presidente Rodrigo Duterte ng P200 cash aid sa mahihirap na pamilya sa gitna ng pagsipa ng presyo ng langis.