(Inilabas ng DSWD, posibleng mapili para sa 4Ps)BAGONG LISTAHAN NG MAHIHIRAP NA PAMILYA

DSWD

INILABAS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang bagong listahan ng mga mahihirap na pamilyang Pilipino sa bansa na posibleng mapili para sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4PS).

Ayon kay DSWD Secretary Erwin Tulfo, hindi lahat ng nasa sa ilalim ng “Listahanan 3″ o ang National Household Targeting System for Poverty Reduction List ay makakasama sa 4PS program dahil sa limitadong budget.

Nilinaw rin ng kalihim na sa nasabing listahan sila pipili ng mga ipapalit sa tatanggaling 1.3 million pamilya sa naturang programa.

Pero hindi naman, aniya, agaran ang hakbang dahil kailangan pa itong sumailalim sa proseso.

Nabatid na umabot sa halos 5.6 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino ang nasa “Listahanan 3″ ng naturang kagawaran.

Noong October 2019 nang simulan ang data collection para sa Listahanan 3 o 3rd round ng Nationwide Household Assessment sa pamamagitan ng house-to-house interviews.

Nakatakda sana itong makumpleto noong katapusan ng March 2020 pero dahil sa COVID-19 pandemic ay pansamantala itong sinuspinde.

Noong huling kwarter naman ng 2021 nakumpleto ang database ng LISTAHANAN 3.

DWIZ 882