(Inilabas ng LandBank mula Enero hanggang Hulyo) P2.2-B PAUTANG SA RICE FARMERS

farmers

UMABOT sa P2.2 billion loans ang inilabas ng state-owned Land Bank of the Philippines (LandBank) sa rice farmers mula Enero hanggang Hulyo ngayong taon sa pamamagitan ng Expanded Rice Credit Assistance sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (ERCA-RCEF).

Sa isang statement, sinabi ng LandBank na ang halaga ay inilabas sa 13,701 rice farmers at cooperatives.

Sa kabuuang halaga, P1.1 billion ang ginamit sa palay (unhusked rice) production ng individual rice farmers na nakalista sa ilalim ng Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA) ng Department of Agriculture DA), habang P507.5 million ang inilaan sa re-lending ng mga kooperatiba sa mga miyembro nito.

Ayon sa LandBank, P394.1 million ang ginamit para sa rice trading at milling habang P222 million ang inilaan sa pagbili ng farm machinery and equipment.

“LandBank is doing its share to strengthen local rice production by providing accessible and responsive financial assistance to rice farmers. In partnership with the DA, the ERCA-RCEF program forms part of our commitment to advance the agriculture sector and empower Filipino farmers,” sabi nj LandBank president and chief executive officer Lynette Ortiz.

Ang ERCA-RCEF ay isang credit facility na naglalayong palakasin ang productivity at kita ng maliliit na rice farmers at ng kanilang mga kooperatiba at mapagaan ang epekto ng Rice Tariffication Law.

Sa ilalim ng programa ay maaaring makautang ang mga rice farmer ng hanggang 90 percent ng kanilang total project cost sa interest rate na 2 percent kada taon.

(PNA)