(Inilabas ng Landbank sa gitna ng pandemya) P93-M PAUTANG SA FARMERS, FISHERMEN

HALOS P1 bilyon na ang naipalabas ng state-owned Land Bank of the Philippines sa interest-free loans para tulungan ang maliliit na magsasaka at mangingisda na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.

Ayon sa Landbank, nasa P933.9 million na pautang ang ipinalabas hanggang noong December 31, 2021, na bumubuo sa 93.4% ng P1-billion fund para sa Expanded SURE (Survival and Recovery Assistance) Aid COVID-19 project.

Sinabi ng state-owned lender na may kabuuang 37,637 farmer-beneficiaries ang natulungan ng programa.

Sa pakikipagpartner sa Department of Agriculture (DA), sa pamamagitan ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC), ang Expanded SURE Aid COVID-19 ay kagyat na nagkaloob ng one-time, zero-interest, no collateral loan assistance na P25,000, na maaaring bayaran sa loob ng 10 taon, sa eligible small farmers at fishers sa buong bansa.

“Extending timely support to farmers and fishers during the pandemic remains a priority for Landbank. We will continue to work closely with DA and ACPC towards building a stronger and more resilient agriculture sector,” sabi ni Landbank president and CEO Cecilia Borromeo.

Pinondohan sa ilalim ng Republic Act 11494 o Bayanihan to Recover as One Act, ang SURE Aid COVID-19 ay naglalayong tustusan ang emergency at production capital requirements ng maliliit na magsasaka at mangingisda na ang kabuhayan ay naapektuhan ng pandemya.

Sinusuportahan ng programa ang mga benepisyaryo para maipagpatuloy nila ang kanilang agricultural activities at makatulong sa food production.

Sinabi ng Landbank na target nitong palawigin ang program loans sa hanggang 40,000 magsasaka at mangingisda na kabilang sa validated list ng eligible beneficiaries, na ipinagkaloob ng DA sa pamamagitan ng regional offices nito para sa mga mangingisda at ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) regional offices para sa mga mangingisda.