NAGLABAS ng abiso ang Metro Manila Development Authority (MMDA) kaugnay sa gaganaping homecoming parade ng mga atletang Pinoy na lumahok sa 2024 Paris Olympics.
Ayon sa MMDA, ang Heroes’ Grand Homecoming Parade ay itinakda bukas, Agosto 13 dakong alas-3 ng hapon na magsisimula sa PICC patungong Malacañang Palace.
Ang parada ay magsisimula sa V. Sotto Center Island, kakaliwa sa Roxas Blvd., kakanan sa P. Burgos Avenue, dire-diretso sa Finance Road, Ayala Blvd., P. Casal St., Legarda St., kakanan sa Mendiola St. at kakanan sa Jose Laurel St.
Dahil dito, sinabi ng MMDA na maaaring maging alternatibong ruta sa mga pa-northbound patungo R-10 ang Roxas Blvd. Service Road, Taft Avenue, F.B Harrison Street, at A. Mabini Street.
Habang sa southbound naman ay ang T.M Kalaw at U.N Avenue.
Magpapatupad ang MMDA ng stop-and-go scheme sa mga pangunahing kalsada kung saan daraan ang parada.
Ayon sa Presidential Communications Office nitong Biyernes, sasalubungin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga atleta sa pagdating nito Martes ng hapon.
“A special program will follow, where the President will personally honor the athletes and present them with well-deserved incentives, recognizing their extraordinary contributions to Philippine sports and their stellar performance during the 2024 Paris Olympics,” saad pa ng PCO.
EVELYN GARCIA