INILABAS na ng Philippine National Police (PNP) ang guidelines sa paggawa, pagbebenta at pamamahagi ng firecrackers ngayong papalapit na ang Pasko at Bagong taon.
Ayon kay PNP Firearms Explosives Office Director BGen Rommil Mitra, bawal ang firecrakers na may bigat na 1/3 teaspoon o higit sa 0.2 gramo na explosives.
Aniya, bawal din ang sobrang laki o oversized na mga paputok na may fuse o mitsa na sobrang liit na nauubos sa loob lamang ng tatlong segundo at sobrang habang na may mahigit anim na segundo bago maubos.
Gayundin, bawal ang mga imported at walang label na paputok at mga paputok na may sulphur o phosphorous na inihalo sa chlorates.
Ilan sa mga halimbawa ng mga bawal ay ang watusi, piccolo, super lolo, atomic triangle, large judas belt, large bawang at iba pa.
Ayon naman kay PNP Spokesperson Col Rhoderick Augustus Alba, inutos na raw ni PNP Chief General Dionardo Carlos sa mga pulis na makipag-ugnayan sa mga local government unit para matukoy ang mga firecraker zone at kung saang mga lugar papayagang magbenta ng paputok.
Tiniyak ng PNP na babantayang mabuti ang mga lugar na maaring magpaputok ngayong holiday season.
REA SARMIENTO