(Inilabas ng SB Corp) P7.2-B PAUTANG SA MSMES

Ramon Lopez

MAY kabuuang P7.2 billion na halaga ng loans sa micro, small and medium enterprises (MSMEs) ang inaprubahan ng financing arm ng Department of Trade and Industry (DTI) upang tulungan ang mga ito na makarekober mula sa pandemya.

Sa paglulunsad ng Rise Up Program nitong Biyernes, sinabi ni DTI Secretary Ramon Lopez na ang P7.2-billion loan na ipinamahagi sa MSMEs ay nagmula sa Coronavirus disease 2019 Assistance to Restart Enterprises (CARES) program ng Small Business (SB) Corp.

Ayon kay Lopez, may 42,100 borrowers na ang natulungan ng CARES loan.

Inilunsad ng SBCorp ang CARES program, isang zero-interest loan, noong 2020 na may P1-billion budget.

Sa tagumpay ng programa, naglaan ang Kongreso ng P10 billion sa ilalim ng Bayanihan to Recover as One (Bayanihan 2) para sa CARES loan.

Gayunman ay P8.08 billion lamang ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) sa financing arm ng DTI.

Sa kabuuang pondo na inilabas, P4 billion ang inilaan para sa multi-sectoral MSMEs at  P4 billion sa tourism-related MSMEs. Ang natira ay ginamit para sa mobilization at operating expenses sa paglalatag ng microfinancing program.

Sinabi ni Lopez na ang pautang para sa multi-sectoral MSMEs ay nagamit lahat habang ang para sa  tourism sector ay underutilized dahil atubili ang tourism-related enterprises na mangutang kahit sa zero-interest rate dahil sa kanilang mababang operating capacity.

“To date, some PHP2.7 billion is still available for MSMEs in the tourism sector,” ani Lopez.

Para ipagpatuloy ang microfinancing program, inilunsad ng SBCorp ang online loan facilities nito para sa multi-sectoral ­MSMEs.