INILABAS NG WHO: ALERTO SA PEKENG BAKUNA KONTRA RABIES

WHO-ANTI RABIES

ISANG  “Global Medical Product Alert” ang inisyu ng World Health Organization (WHO) laban sa iba’t ibang bakuna kontra rabies na kumakalat sa Filipinas.

Ito’y matapos na makatanggap sila ng ulat mula sa Food and Drug Administration (FDA) Philippines hinggil sa pagkakadiskubre ng mga pinekeng bakuna, na kinabibilangan ng Verorab, Speeda, at Rabipur at isang falsified anti-rabies serum na Equirab na kumakalat umano ngayon sa bansa.

Kaugnay nito, pinaa­lalahanan  ng WHO ang publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga bakuna, at tiyaking hindi counterfeit ang mga ito, bunsod ng posibilidad na magdulot ito ng masamang epekto sa kalusugan.

“This Medical Product Alert relates to three different falsified rabies vaccines (Verorab, Speeda, and Rabipur) and one falsified anti-rabies serum (Equirab) circula­ting in the Philippines,” anang WHO.

“Genuine Verorab, Speeda and Rabipur vaccines are used for pre-exposure vaccination or post-exposure prophylaxis. Genuine Equirab anti-rabies serum provides passive immunization against rabies,” anito pa.

Tiniyak naman ng WHO na pinaigting na nila ang pagmamatyag sa mga pagamutan, klinika, health centers, mga botika, at maging sa mga wholesal-er, suppliers at distributors ng mga bakuna upang matiyak na pawang authentic na produkto lamang ang kanilang gina­gamit at ipinagbibili.

Hinikayat din ng WHO ang publiko na sakaling may nakitang mga produkto na binabanggit, ay huwag na itong gamitin at sa halip ay kaagad na isumbong sa kinauukulan.

Payo pa nito, kaagad na kumonsulta sa doktor sakaling nakagamit na ng mga pekeng produkto. ANA ROSARIO HERNANDEZ

Comments are closed.