KATUWANG ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang Asian Development Bank (ADB) sa pagbuo ng comprehensive flood risk management master plans para sa tatlong malalaking ilog sa Pilipinas.
Iniulat ni Senior Undersecretary Emil K. Sadain, na siyang namamahala sa flagship projects ng DPWH, kay Secretary Manuel M. Bonoan na kasalukuyang ginagawa ang pagbuo ng mga updated na master plan para sa tatlong ilog sa ilalim ng package 5B ng ADB-assisted Infrastructure Preparation and Innovation Facility (IPIF) Additional Financing for Water Projects (Output 2).
Ipinakita ng mga consultant ang draft master plan at mga prayoridad na proyekto para sa tatlong ilog, partikular ang Mag-asawang Tubig at mga kalapit na ilog sa lalawigan ng Oriental at Occidental Mindoro (Region IV-B), ang Agno River na nagmumula sa central mountain range ng Cordillera at may mga tributaryo na umaabot sa Benguet, Mountain Province at Ifugao sa Cordillera Administrative Region, Pangasinan sa Region I, Nueva Vizcaya sa Region II at bahagi ng Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga at Zambales sa Region III at ang Cadac-an River Basin sa Leyte (Region VIII) sa ikalawang pagpupulong ng Steering Committee para sa ADB-assisted IPIF Additional Financing – Water Projects (Output 2) na pinangunahan ni Sadain nitong Setyembre 11.
“In line with the directive of President Ferdinand R. Marcos Jr. and the policy instruction of Secretary Bonoan, the master plans being prepared will not only provide a strategic and long-term approach to flood risk management but also have to be integrated with the other sectors to conserve and utilize the water beneficially like for irrigation, water supply and power” sabi ni Senior Undersecretary Sadain.
Ang pag-aaral na nakatuon sa mga lugar na pinaka-vulnerable sa matinding pagbaha ay magsisilbing pundasyon para sa future flood control infrastructure investments na isang epektibo at sistematikong plano para sa disaster resilience.
Ang Steering Committee Meeting at presentasyon ng draft flood risk management master plan ay dinaluhan nina ADB Principal Water Resources Specialist Eric Quincieu, DPWH Assistant Secretary Constante A. Llanes, co-chair ng Steering Committee, National Economic and Development Authority (NEDA) Assistant Secretary Roderick M. Planta, National Irrigation Administration (NIA) Deputy Administrator Cezar M. Sulaik, Unified Project Management Office-Flood Control Management Cluster (UPMO-FCMC) Project Director Ramon A. Arriola III, CAR Regional Director Khadaffy D. Tanggol, Stakeholders Relations Service Director Randy R. Del Rosario, Technical Working Group Head at Project Manager Michael T. Alpasan at UPMO-FCMC Project Manager Rosemarie B. Del Rosario ng Environmental and Social Safeguards Division-Planning Service.
Kasama rin sa mga dumalo mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Science and Technology-Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (DOST-PAGASA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), National Water Resources Board (NWRB) at River Basin Control Office (RBCO) upang matiyak ang komprehensibong pamamaraan sa pamamahala ng yamang tubig.
Kabilang sa mga lugar na pinag-aaralan ay ang Agno River Basin na may banta sa pagbaha sa mga mababang lugar tulad ng Pangasinan at Tarlac tuwing malakas ang ulan dahil sa hindi sapat na istruktura ng flood control na dinisenyo.
Sa lalawigan ng Mindoro, ang Mag-asawang Tubig at mga kalapit na ilog ay nagdudulot ng banta sa agricultural zones dahil sa matinding siltation ng waterways at bank erosion samantalang ang Cadac-an River Basin sa Leyte ay lubhang marupok sa tropical storm at bagyo dahil sa maliit na discharge capacity.
Ang DPWH-UPMO-Flood Control Management Cluster, kasama ang mga consultant mula sa Saman Corporation, Royal Haskoning DHV, Dohwa Engineering Company Ltd. at Kyong-Ho Engineering ay nakikipagtulungan local government units (LGUs), national agency at mga development partners upang matiyak ang komprehensibong pagsusuri sa mga panganib ng pagbaha para sa bawat ilog.
Dahil sa unique geographical, hydrological at kondisyon ng kapaligiran, pinili ng DPWH na bumuo ng independent master plan para sa bawat isa sa 18 pangunahing river basins at 421 iba pang tributaryo ng ilog.
Ang mga master plan na ito ay ina-update sa tulong ng Asian Development Bank (ADB), Japan International Cooperation Agency (JICA) at Export-Import Bank of Korea (KEXIM).
RUBEN FUENTES