(Inilatag ng PAF) SEGURIDAD SA PAGDATING NI ALICE GUO

ILANG ORAS NA LANG, BALIK-BANSA NA SI DISMISSED MAYOR ALICE GUO NA SINUNDO NINA DILG SEC BENHUR ABALOS AT PNP CHIEF GEN MARBIL. Sa larawan, ipinakita ng bagong haircut na si Alice Guo ang kanyang Philippine passport sa Indonesian authorities. Photo from Benhur Abalos/Facebook

GUMAWA din ng kanilang sariling paghahanda ang Philippine Air Force bukod sa inilatag na seguridad ng DILG at PNP kaugnay sa pagpapabalik kay Alice Guo sa Pilipinas.

Kasunod ito ng ulat na  sakaling walang ma­ging suliranin sina Interior and Local Government Secretary Benhur Abalo at Philippine National Police chief Police General Rommel Francisco Marbil  sa pagkuha sa kustodiya at pagpapabalik kay Alice Guo ay idadaan ito sa Villamor Air Base.

Layunin nito na matiyak ang magiging maayos at ligtas ang gagawing extradition kay Guo pabalik ng Pilipinas.

Una nang kinumpirma ng Airport Police Department (APD) na walang direktiba sa kanila na maghanda sa posibleng pagdating sa NAIA Terminal 1 ni dating Bambam Mayor Alice Guo na kilala rin bilang Guo Hua Ping kahapon.

Ayon sa APD, taliwas ito sa kanilang paghahanda noong dumating sa bansa sina Shiela Guo at Cassandra Li Ong.

Kapansin-pansin din na walang police mobile patrols o mga puwersa ng PNP Aviation Security Group at maging ng NBI sa labas at loob ng NAIA 1 kahapon.

Sa gitna ito ng mabilis na pagkalat ng  balita na darating sina SILG Aba­los at Gen. Marbil kasama si Alice Guo bandang ala-6:18 ng hapon mula Indonesia at posibleng idaan ang chartered flight sa Villamor Air Base.

Inaasahang aalis sina Interior Secretary Benhur Abalos at PNP Chief PGen. Rommel Marbil kasama si Guo bandang ala-1 ng hapon  nitong Huwebes.

Si Abalos na armado ng senate issued arrest warrant ay dumating sa Soekarno Hatta International sa Jakarta bandang alas-2:30 kahapon ng madaling araw kasama si Marbil upang hilingin sa Indonesia authorities na maibalik nila sa Pilipinas si Guo matapos nilang madakip ito sa Tangerang City sa Banten, Indonesia.

Mabilis ding kumalat sa Indonesia media  na hihilingin ng Jakarta autho­rities ang palit ulo para kay Guo na nabatid na may isang Australian na may drug case sa Indonesia na nahuli naman ng Philippine Authorities sa Cebu ang hawak ngayon ng Bureau of Immigration.

Subalit, ayon sa Justice Department wala pa silang natatanggap na official request mula sa Indonesian government para sa prisoner swap kapalit sa kustodiya ni Guo na sangkot naman sa illegal online gambling operations at pamemeke ng kanyang citizenship.

VERLIN RUIZ/EVELYN GARCIA