(Inilatag ng PNP-ACG) EDUKASYON VS SMISHING

KASUNOD ng dumaraming reklamong natatanggap ng PNP-Anti-Cybercrime Group hinggil sa mga naloloko sa pamamagitan ng text messages at maging sa social media, patuloy ang pagbibigay ng edukasyon sa publiko ng Philippine National Police (PNP) partikular ang kanilang Directorate for Information, Communication Technology.

Ang smishing o spam text message na modus operandi ng mga masasamang loob na pagpapadala ng text messages gamit ang kilalang kumpanya para makapanloko at makapagnakaw ng pera sa pamamagitan naman ng internet o wires.

Kabilang sa aktibidad na sakop ng smishing ay paghingi ng bank details o kaya naman ay anyo ng pag-aalok ng serbisyo na iisiping lehitimo subalit kinukuha na pala ang mga security features ng account sa financial institution upang manakaw ang pera.

“Scammers send fake text message to trick you to give them your personal information such as password, account numbers and social security number wherein they could gain access to your email, bank and other accounts,” bahagi ng summary report ng PNP Public Information Office.

Para naman sa operasyon ng PNP, ilang kaalaman at kasanayan ang ibihagi ng PNP-DICT katuwang ang PNP-ACG sa kanilang mga tauhan para naman makaresponde sa mga dumudulog na bikima.

Kasama sa ibinahaging impormasyon para pag-aralan ang mga nakuha sa iba’t ibang cyber security sources gayundin ang pamamahagi ng Security Manual.

Napag-alaman din na sumasabay sa trend o kung ano ang mainit na isyu ang mga manloloko.

Halimbawa, dahil pandemya at inflation, ang iaalok ay trabaho na mayroong mataas na suweldo, pagkakaroon ng maliit na Negosyo subalit kailangang sumailalim sa training na may bayad hanggang maglaho at hindi na ma-refund ang ibinayad.

Tiniyak naman ng PNP na handa silang maglatag pa ng training at edukasyon upang ma-detect ang mga manloloko. EUNICE CELARIO