(Inilibing sa silong ng bahay) BABAE CHINOP-CHOP NG KA LIVE-IN

QUEZON-ISANG babae na tatlong linggo nang nawawala ang natuklasang chinop-chop ng kanyang live-in partner at inilibing sa silong kanilang bahay sa Malvar St., Barangay 5, Lucena City.

Nabunyag ang pangyayari nitong Lunes ng hapon matapos na hindi makayanan ng suspek na live-in partner ng biktima ang kanyang ginawa at ipinagtapat sa pulisya ang pangyayari habang sumasailalim ito sa pagtatanong ng mga imbestigador hinggil nawawalang babae.

Subalit, sa patuloy na imbestigasyon ay napag-alaman na hindi lamang isang bangkay ang nakalibing sa lugar kundi may isa pang biktima na napatay naman nila ng kanyang kinakasama noong 2023.

Ayon sa report ng Lucena City police, kusang loob na umamin ang 29-anyos na construction worker na napatay niya ang kanyang kinakasamang si Ronalyn Molina Alvarez, 28-anyos noong nakaraang Hunyo 30 ng umaga.

Nag-away umano sila at nasaksak niya ng ice pick ang ang ka-live in na siyang ikinasawi nito.

Upang maitago ang krimen, hinati niya sa tatlo ang bangkay at isinilid sa tig-isang sako at saka ibinaon sa silong ng kanilang bahay.

Inamin din ng suspek na may nakabaon pang isang bangkay doon na kinilala sa pangalang Analyn Orjejada na napatay naman nila umano ni Ronalyn noong Marso, 2023.

Isinilid nila ito sa plastic na drum at inilibing sa sahig ng bahay at saka sinimentuhan.

Nitong Lunes ng hapon, nahukay na ng pulisya at mga tauhan ng SOCO ang mga labi ng dalawa.

Nakapiit na sa Lucena custodial facility ang suspek at nahaharap sa mga kasong murder. BONG RIVERA