INILUNSAD ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang kanilang “Mulat” Communication Plan for the West Philippine Sea kaugnay sa kanilang pagsisikap na mapangalagaan ang national sovereignty at isulong ang regional stability ng bansa.
Ito ay dahil sa nakakabahala na ang pagkalat ng fake news at mga pekeng naratibo lalo na sa mga social media platform kung saan layunin nito na sirain ang kumpiyansa ng publiko sa kasalukuyang administrasyon.
Nabatid na ipinag utos ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo S. Brawner Jr. ang nasabing strategic initiative.
Sa ginanap na press conference kahapon sa Tejeros Hall sa Camp Aguinaldo, binigyang diin ni Brawner na ang “Mulat” o paggising (awakened), ay layuning palakasin ang transparency, sawatain ang disinformation at patatagin ang public awareness hinggil sa Karapatan ng Pilipinas at interest nito sa rehiyon lalo na sa West Philippine sea.
Sa pamamagitan umano ng pagpapalakas sa public awareness at pagpapaigting sa patriotic sentiment, layunin ng “Mulat” na pag-isahin ang mga Pilipino sa pagsusulong ng national interest at pagtutulungan para sa matatag na Pilipinas.
Naka sentro sa nasabing Communication Plan ang temang: “Our Seas, Our Rights, Our Future” na tumutukoy sa AFP’s commitment na humihikayat sa lahat ng stakeholders na depensahan at ingatan ang Philippine waters.
“Ipagtatanggol po natin ang ating karagatan, karapatan at ang ating kinabukasan. Ang ginagawa natin ay hindi lang para sa kasalukuyan but we are also doing this for the future generation of Filipinos,” ani Brawner.
Kaugnay nito, muling hinimok ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang publiko na maging mapanuri sa mga nababasa sa social media at foreign influenced narratives at mga maling balitang ipinakakalat ng iilan. VERLIN RUIZ