(Inimbak sa dalawang bodega) P40-M SMUGGLED RICE NADISKUBRE

KATUWANG ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG), nadiskubre ng mga intelligence operatives ng Bureau of Customs (BOC) ang sako-sakong hinihinalang puslit na bigas na iniimbak sa dalawang bodega na sinalakay ng mga awtoridad sa Pulang Lupa sa Las Piñas City at Bacoor City sa Cavite.

Sa ulat na ipinarating kay BOC Commissioner Bienvenido Rubio, nag­lunsad ng pagsalakay ang mga tauhan ng Customs Intelligence and Investigation Service, Enforcement and Security Service, Port of Manila, Legal Service, Philippine Coast Guard at mga barangay officials sa itinuturong warehouse na pinagtataguan ng mga bigas.

Ang dalawang bodega na sinalakay ay nagtatago ng mga bigas mula sa Vietnam, Thailand, at China kung saan tinatayang nasa P40 milyon ang halaga nito.

Nabatid pa na bago ipinatupad ang inilatag inspection sa mga nasabing warehouse ay nagsagawa muna ang mga intelligence agent ng extensive investigation, surveillance, and test purchases.

Lumitaw din ang trader ng mga naturang smuggled na bigas kung saan ay ibinebenta ang isang sako ng Vietnamese rice na may 25 kilos sa halagang ₱1,320.00 sa merkado na katumbas ng P52.8 kada kilo.

Ang nasabing presyo ay hindi tumutugon sa Executive Order No. 39 ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nagtatakda ng P41.00 at P45.00 kilo sa well-milled at regular-milled rice.

Iginiit pa ng may-ari ng mga warehouse, hindi sila ang importer kundi mga rice trader kaya’t hinanapan sila ng proof of payment ng correct duties at taxes mula sa supplier o importer.

Binigyan ng awtoridad ang may-ari ng 15-araw na panahon para magsumite ng kinakailangang dokumentasyon para ma-validate ang legalidad ng pag-aangkat ng mga bigas at pagbabayad ng tamang tungkulin at buwis na dapat bayaran.

Isinagawa ang ang operasyon alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos na paigtingin ang pagsisikap laban sa rice smuggling, hoarding at ipinagbabawal na kalakalan sa bansa, na naglalayong tiyakin ang abot-kayang pangunahing pagkain para sa mga Pilipino sa gitna ng pagtaas ng presyo ng bigas. VERLIN RUIZ/ PAULA ANTOLIN