(Inirekomenda ng DA) PRICE CEILING SA BABOY, MANOK

William Dar

HINILING ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagkakasa ng price ceiling sa karneng baboy at manok na sumipa na ang presyo sa kabi- la ng price freeze na ipinatupad noong isang taon dahil sa African Swine Fever (ASF).

Sa isang press briefing kahapon, sinabi ni Agriculture Secretary William Dar na nakasaad sa panukalang Executive Order na hawak na ng Office of the Executive Secretary ang pagpapatupad ng price ceiling sa kasim at pigue sa P270 kada kilo, P300 kada kilo sa liempo at P160 sa kada kilo ng manok.

Ayon kay Dar, ang panukalang EO ay inaasahang malalagdaan ngayong linggo.

Kapag naaprubahan ng Pangulong Duterte, ang panukalang price ceiling ay ipatutupad sa Metro Manila sa susunod na 60 araw.

“The calamity that we can identify na there is basis for a price ceiling towards price freeze is the African swine fever calamity… ‘Yun ang pananaw ng Department of Agriculture kasi wala pang bakuna,” pahayag ni Dar nang tanungin kung nasa state of calamity ang bansa.

Unang kinumpirma ng DA ang presensiya ng ASF sa bansa noong September 2019. Sinisi nito ang outbreak sa imports mula China at sa swill feeding.

Sa monitoring ng DA, hanggang noong Enero 22, ang presyo ng  pork ham (kasim) ay nasa P360/kg, pork belly sa P400/kg at whole chicken sa P170.00/kg.

Comments are closed.