HINIMOK ni Trade Secretary Ramon Lopez ang mga supermarket at grocery operator na i-extend ang store hours upang mabigyan ang publiko ng karagdagang oras na bumili ng pagkain at iba pang produkto sa gitna ng umiiral na Luzon-wide enhanced community quarantine dahil sa corona-virus 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay Lopez, ang pinaikling operating hours ng ilang supermarkets ay nagreresulta sa pagsisiksikan ng mga mamimili na taliwas sa physical distancing na ipinatutupad ng pamahalaan para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
“’Pag iniklian ang store hours nagkukumpol ang mga tao kasi kaunti na lang ang window hours nila para mamili kaya importante na…mas mahabang oras lang sa pamimili para ‘di maipon ang tao,” wika ni Lopez sa isang virtual press briefing.
Aniya, inirekomenda niya ang mas mahabang grocery hours sa inter-agency task force mg pamahalaan sa COVID-19.
Noong nakaraang linggo ay hiniling din ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa local government units (LGUs) na huwag nang magpatupad ng window hours para sa pagpunta sa palengke at groceries dahil nagtutulak lamang ito ng pagkukumpol-kumpol ng mga tao.
Samantala, tiniyak ni Cabinet Secretary Karlo Nograles sa publiko ang sapat na suplay ng basic food needs sa mga palengke tulad ng bigas, isda, karne at gulay.
“Huwag po tayo mag-alala. Tuloy-tuloy po ang supply ng pagkain,” aniya.
Comments are closed.