(Inirekomenda ng ERC sa susunod na administrasyon) PAGGAMIT NG NUCLEAR ENERGY

ERC

INIREKOMENDA ng Energy Regulatory Commission (ERC) kay President-elect Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang pagdaragdag ng nuclear energy sa power mix ng bansa na maaari aniyang magpababa sa singil sa koryente.

Ayon kay ERC Chairperson Agnes Devanadera, hindi naman kailangan na ang Bataan Nuclear Power Plant ang gamitin na aniya’y pagkalaki-laki dahil mayroon namang modular na mas madaling itayo.

“Ang nuclear, isa ‘yan sa posibleng makapagpababa ng ating cost ng koryente at ‘yan naman, iba ang technology sa nuclear. Hindi naman kailangan katulad ng Bataan Nuclear Power Plant na pagkalaki-laki. mayroon na tayong modular na mas madaling itayo,” aniya.

Samantala, pinaalalahanan ni Devanadera ang susunod na administrasyon na ang paglalagay ng mga bagong mapagkukunan ng enerhiya tulad ng nuclear power ay maaaring tumagal ng mahabang panahon, kaya kailangan ang demand-side management.

Nauna nang nangako sina Marcos at Vice President-elect Sara Duterte-Carpio na pabibilisin ang paggamit ng bansa ng nuclear power upang mapababa ang singil sa koryente

Ito’y matapos maglabas ng Executive Order si Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatakda sa nuclear power bilang mapagkukunan ng enerhiya kasama ang iba pang alternative energy resources.