INIREKOMENDA ng Inter-Agency Task Force of Emerging Infectious Diseases (IATF) na gawing boluntaryo na lamang ang pagsusuot ng facemask sa open spaces matapos ang dalawang taon at anim na buwan mula nang manalasa ang COVID-19.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, nais ng IATF na gawing ‘optional’ na lamang ang pagsuot ng face mask sa mga hindi matataong lugar at sa mga lugar na may magandang ventilation.
Ipiprisinta ng IATF kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ang naturang rekomendasyon.
Nauna rito, nagpalabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan ng Cebu City na gawing optional na lamang ang paggamit ng face mask bilang dagdag-proteksyon laban sa COVID-19.
Iniulat nitong Lunes na bahagyang bumaba ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region (NCR).
Sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na mula sa 12.9 porsiyento, bumaba sa 12.1 porsiyento ang COVID-19 positivity rate sa nakakahawang sakit hanggang Setyembre 3.
Mababa na sa 10 porsiyento ang positivity rate sa Pangasinan, Bataan, at Batangas.
Samantala, mataas naman ang positivity rate sa Albay, Camarines Sur, Nueva Ecija, at Tarlac.