MAKABUBUTING iwasan muna ang pakikipagdate ngayong nalalapit ang Valentine’s Day sa Pebrero 14.
Ito ang iminungkahi sa ginanap na weekly health forum sa Quezon City ng medical expert na si Dr. Edcel Salvana ng UP-PGH at mula sa Philippine Society of Microbiology and Infectious Diseases (PSMID).
Sinabi nito na umiwas muna sa pagde-date partikular sa mga matataong lugar sa Araw ng mga Puso. Hindi aniya magandang magtungo sa mga sinehan ngayong panahon na may kumakalat na 2019 novel coronavirus (nCoV) na madaling makahawa sa pamamagitan ng pag bahing o ubo.
Inirekomenda ni Dr. Salvana na mas makabubuting sa loob na lamang ng tahanan idaos ang Valentine’s date sa halip na sa matataong lugar para makaiwas sa mga kumakalat na droplets mula sa mga taong umuubo o bumabahing, at makatitipid pa.
Ipinarating pa ng dalubhasa na sa kasalukuyan ay mas bumaba na ang kaso ng nagkakaroon ng nCoV sa China kumpara sa mga nagdaang mga linggo na may napakabilis na pagtaas gayundin sa Filipinas.
Ipinaliwanag pa nito na mas tumatagal ang pananatili ng virus sa malalamig na bansa gaya ng China kumpara sa Filipinas na may kainitan ng panahon.
Sa ngayon ay may 42,760 katao na ang kumpirmadong may nCoV mula sa 27 mga bansang nagkaroon ng naturang sakit.
Samantala, nananatiling nasa high risk sa atake sa puso ang mga kababaihan base na rin sa mga pag-aaral ng American Health Association.
Pahayag pa ni Dr. Salvana ay 28 porsiyento ng mga kababaihan ang namamatay kada taon dulot ng heart attack kumpara sa mga kalalakihan kaya dapat ay healthy lifestyle at tamang diet. BENEDICT ABAYGAR, JR.
Comments are closed.