ISINUSULONG ng National Economic and Development Authority (NEDA) ang pagpapatupad ng 4-day workweek sa gitna ng serye ng pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo.
Layon nito na makatipid ang mga empleyado sa gastos sa petrolyo at transportasyon.
Ayon kay NEDA Director-General at Socioeconomic Planning Secretary Karl Kendrick Chua, 40 oras pa ring magtatrabaho ang mga empleyado ngunit sa loob na lang ng apat na araw.
“Magtatrabaho pa rin po ang bawat Pilipino ng 40 hours per week pero imbes na sa limang araw ay apat na araw, pero imbes na walong oras kada araw, magiging 10 oras kada araw,” sabi ni Chua sa isang televised meeting kasama si Presidente Rodrigo Duterte.
Ipinaliwanag ng NEDA chief na ganito rin ang ginawa nang tumaas ang presyo ng langis noong Gulf War.
“Ang epekto po nito ay makakatipid din. Imbes na araw-araw nagko-commute ay magiging apat na araw, at ito ay makatutulong din sa pag-manage ng ekonomiya natin,” aniya.
Noong Martes, Marso 15, ay nagpatupad ang mga kompanya ng langis ng P13.15 taas-presyo sa kada litro ng diesel, P7.10 sa kada litro ng gasolina at P10.50 sa kada litro ng kerosene.
Ito na ang ika-11 sunod na linggo na tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo.
Ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas na ng kabuuang P17.50, gasolina ng P13.25, at kerosene ng P11.40.
Dahil sa walang humpay na oil price increase ay humiling na ang ilang grupo ng public utility vehicle drivers at operators ng dagdag-singil sa pamasahe.